Bus
Nagsisi siyang sinubukan pa niyang tignan ang katabi nya sa kanan dahil naging takot ang kaninang inis lang na naramdaman niya. Agad tuloy niyang pinalitan ang maasim niyang mukha, na dapat ay magpapakita ng pagka-irita nya, ng mas “friendly” na ekspresyon na ginantihan naman ng katabing lalaki ng may sinusuhestiyon na ngiti. Lalo pa siyang naging balisa nang maramdaman niyang lalong isiniksik ng katabi ang sarili sa upuan papalapit sa kanya. Bakit kasi dinala siya sa ganitong sitwasyon ni Chris?
Mabilis ang pagdating at pag-alis ng mga bus, pero mas mabilis na napuno ang mahaba pero tila hindi sapat na waiting shed sa harap ng Megamall ng mga taong walang payong, ayaw gumamit ng payong o yung mga walang pakialam kung matusok o mabasa nila ang katabi ng payong na sinasarado nila. Isa si Chris sa mga walang payong at si Mary naman ay isa sa mga tinatamad magbukas ng payong (bakit ba? nasa backpack na pink na naka suot sa likuran nya kaya mahirap kunin ang payong, liban pa na bitbit nya sa kanyang kanang kamay ang wallet/bag niyang may lamang pera habang hawak ang cellphone sa kaliwa). At dahil nga sa estado nila ng kawalan ng payong (o nakalabas na payong) ay napilitan silang sumilong at makipagsiksikan sa ilalim ng bubungan imbes na pumila dun sa unahan kung saan unang tumitigil ang bus. Pagdating tuloy sa kanila ng iilang mga Ortigas ibabaw at Cubao Fastlane ay punong puno na ang mga ito… maliban dun sa huli na tila may mga bakante pa pero hindi nila nasakyan dahil hindi pinansin ni Chris na biglang naging busy-ng busy sa pagte-text. Lalo silang tumatagal ay lalong nagiging siksikan at lalo ring lumalakas ang ulan. Natutulak na sila paharap at nawiwisikan na ng tubig.
“Sakay na tayo dito,” yaya ni Chris ng may bus na itinigil ang pinto nito sa tapat na tapat ng lalaki.
“Pero Ortigas ilalim yan,” protesta ni Mary na hindi na narinig ng sumampa na niyang kausap. Wala na siyang nagawa. Ipinatong nya ang mga kamay sa taas ng ulo niya bilang substitute na payong at umakyat na rin sa bus.
Binati siya ng lumang amoy ng aircon, lumalabas na mga foam at mukhang masisikip na mga upuan, pati ng maduming pintura ng mga pader at nangingitim sa alikabok na mga kurtina. Kakantyawan sana niya si Chris na pangit ang napili nitong bus kaya lang ay nahiya sya sa mukhang miserableng driver sa harap nya. Ukupado na ang lahat ng upuan sa harapan pero ng paisa-isa o padalawa-dalawang tao lang. Naglakad pa si Chris papunta sa likuran saka nagdesisyong umupo sa una bakanteng tatluhang upuan. Sinundan ito ni Mary.
“Ang ganda ng napili mong bus,” sarcastic na sinabi ni Mary habang tinatanggal ang backpack sa kanyang likuran.
“Sanay ka nga pala sa ordinary ano?” ganti naman ni Chris na inilalapag ang laptop bag nya na tila sasabog na sa dami ng lamang damit. Friday casual wear si Chris: rubber shoes, skinny jeans at fit na puting long sleeves.
“Oo nga e, ganito pala ang itsura ng aircon, ang pangit.” Umupo na siya at inilapag ang bag nya sa itaas ng kayang violet dress na regalo nya sa sarili para sa 1st year anniversary nya sa pinagta-trabahuan.
“Akala ko ba maganda, teh?” Sabi ni Chris, gamit yung parang kambing-slash-palengke nyang accent.
Tuloy-tuloy lang ang asaran nila hanggang sa umabot sila sa hintuan sa may Ortigas Ilalim, na naging topic ng sisihan nila dahil sa pagtigil doon ng bus imbes na umakyat sa ibabaw. May umupo sa tabi ni Mary. Masikip talaga ang upuan at nagmalasakit siyang siksikin si Chris para bigyan ng lugar ang tumabi sa kanyang may edad na na lalaki.
Kung alam lang nya kung gaano ka-pervert ng katabi nya, edi sana ay humiga na lang sya sa upuan o ipinatong ang paa nya dito para hindi mabigyan ng espasyo ang katabi. Sa kasalukuyan nga ay gusto nya itong itulak pahulog sa upuan e. Mangiyak-ngiyak na talaga sya sa inis lalo pa’t ipinu-sisyon ng matanda ang mga braso nito malapit na sa harap ng kanyang dibdib. Itinuwid nya ang kanyang likod at dinala ang kanyang katawan paharap para makawala sa pagkakakulong nya sa pagitan ng braso hanggang sa maisandal nya ang kanyang ulo sa harap na upuan. Naramdaman nyang humahapdi ang likod nya sa hindi komportableng posisyon. Nakatingin sya kay Chris, na kasalukuyang abala na naman sa pagti-text, na lalong ikina-inis ni Mary. Si Chris ang may kasalanan kung bakit nasa pangit at mabahong bus sila, kung bakit ang bagal bagal ng biyahe nila at kung bakit naha-harass sya ngayon ng matanda nyang katabi. Hindi nya napigilang paluin ang paa nito.
Inilikas ni Chris ang mga mata nya mula sa Iphone at nanlaking tumingin kay Mary, nagtatanong kung anong problema?
Pinilit nyang lalo pang pangilidin ang mga luha nya at saka walang tunog na ibinulong “Katabi ko, nangma-maniac,” sabay labas ng nguso nya na parang isang batang nagmamaktol.
Ibinaling ni Chris ang mata nito sa katabi ni Mary. Sa totoo lang, hindi alam ni Mary ang magiging reaksyon ni Chris. Naisip nyang aasarin sya lalo at pagtatawanan dahil sa pagdurusa nya. Pero imbes na pilyong ngiti ang ibinalik sa kanya, nanigas ang mukha ng kaibigan patungo sa isang galit na ekspresyon, saka naramdaman ni Mary na ipinatong na ni Chris ang kamay, payakap sa kanya, patungo sa kanyang balikat. Hindi lang dun natapos ang pagkabigla niya dahil naramdaman nyang biglang hinihila na sya ni Chris palapit sa huli, at bago pa makapag-isip si Mary ay nakasandal na sya sa katawan ni Chris. Panandaliang nilisan ng kamay ni Chris ang kanyang balikat para itulak ang ulo ni Mary, na nagsimula nang manlambot at walang kalaban laban, pababa sa balikat ng lalaki.
“Anong nangyayari?” Tanong ni Mary sa sarili. Tumingala sya patungo sa mukha ni Chris, pero hindi ito nakatingin sa kanya. Sa halip, nakabaling si Chris sa maniac na lalaki, suot pa rin ang matigas na expresyon nyang nagsasabing “wag mong paki-alaman ito pare, akin ito”. May tila mainit at nakakatuwang hanging lumutang mula sa tiyan ni Mary patungo sa kanyang dibdib hanggang sa kanyang lalamunan kung saan ito nakasalubong ng nalalangahap niyang pabango ni Chris.
Nawala ang kanyang mga pag-aalinlangan. Masyado siyang naging kumportable sa kanilang disposisyon na walang malay niyang nailatag ang kanyang palad sa bandang tiyan ng sinasandalan. Naramdaman niyang tila nabigla at nanigas si Chris, at sa isang saglit, naalintana ang panandaliang kapayapaan sa pagitan nila. Biglang naging bukas ang malay niya sa kuryentong nagsasayaw sa dulo ng mga daliri niyang nakapatong sa tiyan ni Chris, pati na rin sa init sa gitna nila, na hindi niya alam kung nanggagaling ba sa kanyang nakasandal na braso o sa katawan mismo ng katabi. Hindi niya alam kung imahinasyon lang, pero parang bumilis at lumakas ang tibok ng puso ng lalaki na kanina-kanina naman ay hindi niya naririnig. Agad niyang hinila ang mga palad niya paalis, pero walang nagawa ang aksyon niya para bawasan ang kuryente dito.
Nang tila naka-recover na si Chris ay pumindot pindot na naman ito sa telepono, at pagkatapos ng sandaling paghahanap, ay tumigil ito sa Stupid Test, saka ini-abot ang telepono kay Mary para laruin.
“Upgraded na yan. Bumili ako ng full version. Tignan natin kung na-upgrade na rin ang utak mo,” asar ng lalaki.
Tumingala si Mary para ipakitang pinaiikot nya ang itim na bilog ng kanyang mga mata, saka kinuha ang Iphone sa dalawa nyang kamay. “Kahit ano pang upgrade nyan, di maaabot ang level ng genius ko.”
Sandali pa ulit, at bumalik na sila sa natural na hagikhikan at asaran nila… maya’t maya nga lang ay sumisikip ang yakap sa kanya ni Chris kapag lumilisan ang kanang kamay nito sa balikat ni Mary kapag ginagamit ito para tumulong sa isang level ng laro na hindi niya ma-solve.
Bumaba na ang matandang katabi ni Mary sa Greenhills pero hindi sila lumisan sa posisyon nila hanggang umabot na sila sa mga terminal ng provincial buses sa Cubao.
No comments:
Post a Comment